St Francis of Asisi’s Canticle of Creation
Translated into Filipino/ Tagalog
by Fr Albert Alejo SJ
Kataas-taasan, makapangyarihan, O Poón kong banál
Sa ‘Yo ang papuri, at kal’wálhatian, pagpapala’t dangál.
Karangalang ito’y tanging sa ‘Yó lámang, Kataas-taasan,
At walang sinumang marápat sumambit ng lyong pangalan.
Purihin Ka, Poón, sa piling ng lahat ng lyóng nilaláng,
lalung-lalo na po sa kay Kúya Áraw na sa ámi’y tanglaw.
Sa kanyang kariktán kaming nilikha Mo’y naliliwanagan.
Nakabibighani at nagliliwayway, may dakilang kinȧng,
At Ikaw O Poong Kamahal-mahalan ang nilalarawan.
Purihin Ka, Poón, kiná Áte Buwan at mga Bituin
Hinubog sa langit, malinaw, marikit, pulós mamahalin.
Purihin Ka, Poón, sa kay Kuya Hángin, na sa bawat ihip,
Maúlap, tahimik, anumang panahon na papálit-pálit
Ang alay Mong buhay sa mga nilikha’y siya’ng tagahatid.
Purihin Ka, Poón, sa kay Ate Tubig na mapag-alalay,
Mapagpakumbaba, napakahalaga’t napakadalisay.
Purihin Ka, Poón, sa kay Kuya Apóy, sa gabi’y lagabláb,
At siya’y matikas, masigla’t malakás, masidhi ang ȧlab.
Purihin Ka, Poón, sa kay Ate Lupà na ámin ding Inay
Na kumákalinga at namamahalà, nagbibigay-buhay
Sa bawat makulay na búnga at uháy, bulaklak at gúlay.
Purihin Ka Poón, sa kay Ate ĺbong malayang lumipad,**
Kiná Kúya Hayop, Isda at Kulisap sa bundók ma’t dágat,
Maamò, mabangis, iba’t ibang bihis, kani-kanyang hiyás,
Buông sángnilikha, dakilà ma’t abâ, ay mahal mong lahat.
Purihin Ka, Poón, sa dahil mahál Ka ay nagpapatawad,
Silang nagbabatá ng tanang pasákit at pagpapahirap,
Pinagpala silang ito’y makayanan nang puso’y payapȧ,
Pagkát silá, sa ‘Yo, Kataas-taasan, ay may gantimpala.
Purihin Ka, Poón, sa kay Ate Pánaw ng katawang lupa,
Walang nabubuhay na makatatakas sa gayúng tadhana.
Sawimpálad silá na lilisang dala’y kasalanang mortál.
Pinagpala naman silang madaratnán sa loob Mong banál,
Di mapapahamak sa ikalawá mang bantang kamatayan.
Purihin, sambahin, at pasálamátan ang Poong Maylikha,
Siya’y paglingkurán taglay ay dakilang pagpapakumbaba.
Albert E. Alejo, SJ (Filipino)
sa diwa ni San Francesco d’Assisi (Italiano)





